Nakatakdang magsagawa ang Angel’s Pet Project ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI ng Temperament Testing sa Hunyo 3, 2026 sa Home for Girls and Women, na isa sa mga Centers and Residential Care Facilities (CRCF) ng DSWD Field Office XI sa Davao City.
Kaugnay nito, hinihikayat ng ahensya ang mga pet owners na nais maging bahagi ng programa na ipasailalim ang kanilang mga aso sa pagsusuri upang maging ganap na Dr. Dog para sa animal-assisted therapy activities ng programa.
Ang aktibidad ay kasunod ng matagumpay na pagsasagawa ng Temperament Testing para sa mga volunteer “Doctor Dogs” sa Metro Cebu, bilang bahagi ng pagpapalawak ng programang nagtataguyod ng animal-assisted therapy para sa mga kliyente at benepisyaryo ng DSWD.
Sa pamamagitan ng Temperament Testing, sinusuri ang asal, tolerance, at reaksyon ng mga aso sa iba’t ibang sitwasyon upang matiyak na sila ay angkop at ligtas na makibahagi sa mga therapy at psychosocial support activities. Mahalaga ang prosesong ito upang matukoy kung ang isang aso ay may kakayahang magbigay ng positibong interaksyon at emosyonal na suporta sa mga indibidwal na nangangailangan nito.
Layon ng Angel’s Pet Program na sanayin at magtalaga ng mga “Doctor Dogs” para sa animal-assisted therapy activities kung saan ginagamit ang mga hayop bilang katuwang sa pagsusulong ng pisikal, emosyonal, at mental na kapakanan ng mga benepisyaryo. Kabilang dito ang pagbibigay ng companionship, stress reduction, at psychosocial support sa mga indibidwal na nasa ilalim ng pangangalaga ng ahensya.
Sa pamamagitan ng programang ito, patuloy na pinalalakas ng DSWD FO XI ang mga makabagong pamamaraan ng serbisyo at rehabilitasyon upang higit na matugunan ang pangangailangan ng mga benepisyaryo nito, habang isinusulong ang positibong ugnayan sa pagitan ng tao at hayop.





